Napag-iwanan na nga ba AKO?
Nasa ikalawang taon na ako sa kolehiyo at ilang buwan na lang nasa ikatlo na. Masaya ang buhay kolehiyo. Pakiramdam ko, para akong isang ibong nakatikim ng sarap ng sinag ng araw at simoy ng hangin sa malawak na himpapawid pagkatapos ng ilang taong pagkakakulong sa loob ng hawla. Malaya akong gawin ang bagay na aking naisin ng walang magagalit at pumipigil sa akin. Ngunit paminsan-minsan, sa aking pag-iisa, may mga bagay na hindi mo maiiwasang isipin. At minsan, nakakalungkot man, ay kailangan mong tanggapin na hindi sanay ang iyong pakpak sa paglipad kasingtaas, kasingbilis o kasinghaba ng ibang ibong sanay na sa malawak na papawirin.
Sa isang balik tanaw sa nakaraan, minsan magtatanong ka: ano na nga ba ang nangyari sa iba kong kasamahan? Sa paglipas ng panahon, marami na rin ang mga pagbabago sa kanila. May mga gumanda at gumwapo. May lalong gumanda at gumwapo. May sumeksi. May tumaba. May sumikat. May nalaos. May gumaling sa pag-awit at pagsayaw. At may iba rin na tila wala masyadong pagbabagong naganap. At isa ako sa kanila.
Ano nga ba ang nangyari sa akin pagkatapos ng dalawang taong paglalakbay ko isang panibagong mundo? Nagkaroon ako ng kaibigan, at malamang, pati kaaway. Natuto ako ng panibagong mga kaalaman gaya ng paglalaro ng table tennis at bowling, at lumangoy. Tumaba rin pala ako. Sa listahan ko, mukhang iilan lang ang nabago sa akin. Kung ano ako dati, halos ganoon pa rin ako ngayon. Isa pa rin akong duwag. Hindi alam kung paano ibuka ang bibig sa klase para makilahok sa talakayan at para ipadinig ang aking ideya. Natatakot pa rin akong pagtawanan ng ibang tao Mahilig pa rin akong magsulat ng mga tula. Hindi ko pa rin alam kung paano ko gagamitin ng maayos ang aking oras. At higit sa lahat, wala pa rin akong bilib sa aking sarili.
Dalawang taon na ang lumipas ng makalaya ako sa hawla. Ngunit pakiwari ko, nakakulong pa rin ako sa tila mas malaking hawla, ang hawla ng tunay na buhay. Narito ako ngayon sa lupa, tinatanaw ang mga kasamahan kung ibon habang lumilipad ng pagkatayogtayog. Pakiramdam ko tuloy, tila napag-iiwanan na ako. At hindi ako papayag ng ganoon lang. Balang araw, ibubuka ko ang ang aking mga pakpak, iwawagaswas ng buong gilas at lilipad ng ako hanggang sa maabot ko rin ang aking mga pangarap.