Balik Tanaw sa Maghapong Pagbuhos ng Ulan
Sana isang araw, magising na lang ako na wala ng nararamdaman para sa'yo. Dumating pa kaya ang araw na tuluyan mo nang lilisanin ang puso at isipan ko?
Buong maghapon nang umuulan. Malamig ang simoy ng hangin, marahil dala na rin ng kapaskuhan. Masarap sanang matulog, ngunit marami pang kailangang gawin. Bakit ba kasi bigla-bigla ka lang pumapasok sa isip ko? Mali ito, bulong ko sa aking sarili. Hindi na kita pwedeng hangaan. Hindi na kita pwedeng isipin. Hindi na kita pwedeng mahalin. Matagal ko nang alam at tanggap na siya ang nais mo, at ako? Isang ewang hindi malaman ko paano ka kalimutan.
Naaala ko pa nung minsan pumatak ang ulan at nakisilong ka sa payong ko. Ngayon sa pagpatak ng ulan, bigla ko lang naisip, mauulit pa kaya iyon? At bigla namang sinagot ang tanong ko. Hindi na! Nasa likuran lang nga kita pero mas pinili mong magpabasa sa ulan.
Akala ko wala na akong nararamdaman para sa'yo. Ngunit ang mga kilos ko, pilit ko mang baguhin, sinasabi na mali ako. Sa ngayon, mas mabuti pang isipin ng lahat na wala na akong paghanga sa iyo, sa ganoong paraan, hindi ako gaanong maiilang sa tuwing ika'y malapit o matatakot na bigla na lang nila akong tuksuhin sa iyo.
Sa maghapong pagbuhos ng ulan, bumuhos din ng bigla ang mga sentimento ko tungkol sa iyo. Pero sana, sa pagtila ng ulan, makalimutan ko na rin na minsan, natutunan kong mahalin ang isang tulad mo.