HAYSKUL

10:20:00 PM ivannejuare 0 Comments


Sa mga ganitong pagkakataon, mas lalo kong namimiss ang mga kaklase ko sa hayskul. Yung mga kabaliwan. Yung mga kababawan. Yung pagkapasaway. Namimiss ko yung mga panahon na magkasama kami. Namimiss ko yung kulitan, tawanan, iyakan at pati na rin yung mga awayan at tampuhan. Hinahanap hanap ko yung mga taong kilala ako ng buong buo...yung mga taong nakita akong lumaki. Namimiss ko yung mga halos hindi maubos-ubos na tsismisan. Namimiss ko yung mga bakanteng oras na ginawang panahon para pag-usapan yung mga sekreto at crush namin. Namimiss ko yung mga panahong ok lang maging parang bata ako. Namimiss ko sila. Masaya naman ako kasama ang mga bagong kaibigan ko. Pero iba sila. Iba rin kayo. 

Nang unang tao ko sa kolehiyo, may isinulat akong tula para sa mga kaklase at kaibigan ko sa hayskul. Pero hindi ko matapos-tapos. Hindi ko mahanap ang tamang mga salita. Pero kamakailan lang, sa wakas, natapos ko rin! 

 *****

Hindi ko mapagtanto kung paano ko sisimulan ang tulang ito
Napakarami kong nais sabihin at isulat
Ngunit tila nilamon ng lungkot ang aking kamalayan
Ang nais ko lamang ay ang makasama ko muli kayo

Ang awitin sa ating pagtatapos ay patuloy kong pinapakinggan
Musika nito'y lalong lumungkot sa aking pandinig
Mga salita'y lalong tumagos sa aking puso
Mahigit isang taon na pala mula ng tayo'y magtapos at magkawalay

Yakap ang ating mga alaala'y naglakbay ako sa panibagong yugto ng aking buhay
Nakahanap ako ng mga bagong kaibigan
Masaya man ako sa piling nila
Patuloy pa rin akong nangungulila sa ating samahan

Sandigan ko kayo sa loob ng mahabang panahon
Hingahan ng aking mga saloobin
Lahat ng aking lihim marahil ay batid ninyo
Isang barkadang pinagbuklod at pinaghiwalay ng pagkakataon

Kung maari ko lang sanang ibalik ang panahon
Hindi ako magdadalawang isip na balikan ang mga sandaling tayo'y magkasama
Nais kong madama muli ang inyong piling...
Maging malayang ipakita ang totoong ako

Uulit-ulitin kong pakinggan ang ating mga paboriting awitin
Kahit pa nalimot na ito ng karamihan
Madalas kong pagmamasdan ang ating mga larawan
Kahit pa kumupas pa ito, saloobin ko'y di magbabago

Lumipas man ang ilang taond hindi tayo magkita
Pumuti man ang buhok nating at tayo'y magkaapo
Hinding hindi ko makakaligtaan na tayo'y naging magkaklase    at magkaibigan
At lahat ng ito ay nagsimula sa HAYSKUL.